Pagbabalangkas at Sanaysay - "Ang Mga Kabataan sa Panahon Ngayon"

Ang Mga Kabataan Sa Panahon Ngayon

Tesis na Pangungusap: Paniniwala na ang pagbabago ay natural na pangyayari, lahat ng tao, at maging bagay man dito sa mundo ay magbabago at hindi magiging hadlang upang maging ang mga kabataan pa rin ang pag-asa ng ating bayan.

A. Unti-unting pagbabago ng panahon, mundo’y nagiging moderno at sibilisado.

                    a. Kinakain na ng “modernisasyon” ang buhay ng mga tao.

                    b. Pindot dito, pindot doon. Ganyan naapektuhan ang mga kabataan.

B. Teknolohiya na ating kinokontrol, ay siya na palang nagkokontrol sa atin.

                    a. Bawat makita sa “social media”, ginagaya.

                    b. Sa isang pindot, makukuha ng tao ang kanyang gusto.


Pag-asa ng bayan, kabataan pa rin ba? Madalas nating marinig ang katagang nagmula kay Dr. Jose Rizal, “Kabataan ang pag-asa ng bayan”. Ngunit, may pag-asa pa nga ba ang ating bayang ginagalawan? Marahil ay ilan iyan sa ating mga katanungan.

Dahil sa unti-unting pagbabago ng ating panahon, mundo’y naging moderno at sibilisado. Kinakain na ng modernisasyon ang buhay ng mga tao, gayundin ang ating mundo. Marami ang naapektuhan sa pagbabagong ito, pagbabagong may benepisyo at pagbabagong maaaring makasama sa mga tao. Una at pinakang naapektuhan ng modernisasyon ay ang mga kabataan. Pindot dito, pindot doon, laro doon, laro dito. Kung ating ihahambing ang kabataan noon at ngayon, masasabi nating ang mga kabataan noon ay kayang mamuhay nang simple lamang. Mas masaya, maginhawa, malaya, at kuntento sa mga bagay na mayroon sila. Namulat sa mas payak at praktikal na buhay, may natural na pinagkakalibangan at malaya sa impluwensya ng makabagong teknolohiya. Mapapansin din natin, kung dati ay pisikal at mga kulturang laro ang libangan ng mga kabataan, ngayon ay mga online games na, katulad ng mobile legeds, call of duty, at iba pang mga electronic games na maaaring laruin sa mga android phones. Ipinahihiwatig rin na ang mga kabataan noon ay nagpapakita ng pagpapahalaga at pagiging kuntento sa mga bagay na mayroon sila.

Teknolohiya na ating kinokontrol, ay siya na palang nagkokontrol sa atin. Bawat makita sa social media, ginagaya. Kung ano ang nauuso, siyang ginagawa at sinasabayan. Isang pindot sa telepono, makukuha ng tao ang kanyang gusto. Isang sanhi ng pagbabago ng mga kabataan ay ang pagbabago mismo, ngunit huwag sanang hayaan na kainin nito ng tuluyan ang mga kabataan. Marahil ay mapapansin natin na parang nagiging adik o lulong na ang mga kabataan sa ating teknolohiya, ngunit hindi natin masisigurado na hindi na nila kayang gampanan ang mga bagay na nakaatang sa pagiging kabataan sa isang pamayanan. Ang mga pagbabago ay natural lamang, lahat ng tao, at maging bagay man dito sa mundo, lahat yan magbabago. Nasa tao rin ang magiging epekto kung paano niya ito iaapply sa kanyang buhay.

Sa kabila ng mga pagbabagong nangyayari sa ating mundo, maraming epekto rin ang ating sinasalo. May epektong maganda, may epektong makasasama, may epektong makapagbabago, at may mga epektong hindi natin inaasahan para sa mga kabataan. Ngunit gayunpaman, natural lamang ang pagkakaroon ng pagbabago. Alam ko at naniniwala ako na hindi mawawala o mababasag man ang katagang nagmula kay Dr. Jose Rizal.

Ating patatagin at pagyamanin, sama-sama at pagkakaisa mula sa mga kabataan, magandang kinabukasan ating mararanasan, muli, “Kabataan ang pag-asa ng bayan”.

Comments

Popular posts from this blog

Pangkatang Gawain - "Implikasyon ng Pandemya sa Pang-Akademikong Performans ng mga Mag-aaral" (Pagbibigay Interpretasyon sa Grap, Tsart at Iba Pang Biswal na Pantulong)